My Blog

Description of my blog


Jul 16
2009

Bayani Fernando: Sa Urbanidad Tayo'y Uunlad

Posted by ChairmanBF in Bayani Fernando


Panayam kay BF

Tinig ng mga Bayani: Mr. Chairman, madalas madinig ng mga taga-Metro Manila mula sa inyo ang salitang “urbanidad.” Ano po ang ibig sabihin ng katagang ito?

BF: Ang urbanidad ay ang tamang pag-uugali, ang tamang asal sa lipunan, lalo na sa mataong lugar.

TNB: Halimbawa po?

BF: Halimbawa ay ang pagsunod sa batas. Ang pagsunod sa kautusan ng komunidad. Ang pagbibigay ng konsiderasyon sa kapwa.

TNB: Bakit mo mahalaga ang urbanidad?

BF: Kung wala nito, hindi tayo handang manirahan sa siyudad, kung saan masalimuot ang pamumuhay, kung saan natitipon ang maraming uri ng tao, Pilipino at dayuhan.

TNB: Ano po ang hinihingi ng urbanidad?

BF: Ito ay paalala na kailangan ng ibayong pag-iingat para hindi tayo makasama o makapinsala kaninuman anuman ang ating gawin. Ang hinihingi ng urbanidad ay paggalang sa damdamin at karapatan ng ibang tao.

TNB: Ano po ang resulta kung wala o kulang ang urbanidad?

BF: Kung walang urbanidad, magulo ang bayan. Walang disiplina. Marami ang aksidente. Magkakasakitan ang mga tao. Madalas ang away. Kung may patayan, sa kulungan ang bagsak.

TNB: Ano po, Mr. Chairman, ang iba pang example ng kakulangan sa urbanidad?

BF: Madalas nating makita ang pagtatapon ng basura sa bangketa at lansangan. Ang mga tsuper hindi nagbibigayan. Unahan at tulakan sa abangan ng mga sasakyan. Maski saan tumatawid ang mga tao.

TNB: Bakit po tayo kulang sa urbanidad?

BF: Nakalimot na sa turo ng mga guro at magulang. Maraming walang pakialam sa kapwa. Ayaw sumunod sa mga kautusan. Nilulusutan ang batas. Sariling kabutihan lang ang inaatupag. Kulang din kung minsan ng mga walang kortesiya at respeto sa mga estranghero.

TNB:  Ano po ang epekto ng kawalan ng urbanidad sa isang tao?

BF: Nawawala ang hiya sa sasabihin ng kapwa sa maling gawa. Nawawala din ang respeto sa sarili. Lumalala ang kanyang pagkatao hanggang gumawa siya ng masmalaking kamalian, kasama ang paglabag sa batas at pagkakasangkot sa krimen.

TNB: At sa lipunan?

BF: Anarchy and chaos. Breakdown ng overall discipline. Paghahari ng kamalian. Masamang ehemplo sa kabataan. Negative image sa Pilipinas sa mata ng mga dayuhan.